"Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas”
by: Nefflix13
Subok na ng panahon magmula noon hanggang ngayon,
Sa nakaraang mga unos ay pinilit mong bumangon;
Haharapin ang ngayon nang madaig ang bawat hamon,
At bukas-makalawa'y sabay-sabay tayong aahon.
Wikang Filipino sa Luzon, Visayas at Mindanao,
Nagbubuklod sa buong lipi ng bayang tinatanaw;
Sa mundo ng karimlan, sa aming landas ika'y tanglaw,
Sa masalimuot na laban, lakas namin ay IKAW.
Ikaw na larawan ng bayang hangad ay demokrasya,
Ikaw na instrumento ng diwa at pagkakaisa,
Ikaw na syang sagisag ng aming lahi at kultura,
Mula pagkasilang hanggang malagutan ng hininga.
At katulad nami'y nilikha ka ng Poong Maykapal,
Upang damdamin at naisin namin ay maiusal;
Taglay ka ng lahat at tiyak na hindi magtatagal,
Makatatawid sa tamang landas ng walang sagabal .
Natamo na ang kasarinlan sa pamamagitan mo,
Bakit ngayon kapwa Pilipino ay di magkasundo?
Alisin ang sigalot, tayo ang magkakampi rito,
Tahakin ang tuwid na landas tungo sa pagbabago.
Ang mithiin mo'y kailangang mawari ng sinuman,
Para sa inaasam na tagumpay at kaunlaran;
Wikang Filipino na namumutawi ay kailanman,
Pag-aari ng lahat na dapat ipangalandakan.
Ang namumukod-tangi ko namang ikinatatakot,
Sa paglipas ng mga araw ay mabaon ka sa limot;
Dalangin ko nawa'y di umiral sa puso ang poot,
Bagkus ay pagyamanin pa ang liwanag nitong dulot.
Sapagkat ang wikang ito'y tunay ngang sariling ATIN,
Mayroon bang dahilan upang siya'y ating di ibigin?
Tagalog o FILIPINO kung ito'y ating tawagin,
Wika ng bawat Pilipino, halina't ating damhin.
---------------o--o---_- End -_----o--o---------------
08022110840